Sunday, August 30, 2009

Trabaho!!!!

Mahirap ang buhay. Pahirapan sa paghahanap ng ipapakain sa pamilya. Sunud-sunod ang gastos. Yan at yan ang lagi kong naririnig sa mga tao. Minsan sinasabi din sa akin yan ng nanay ko. Naririnig ko din yan madalas sa mga kaibigan ko kapag nagkukwento sila. Tipong hindi na nakakatulong ang pagsasabi ng mga bagay na yun. Ang sa akin lang kasi, okay lang na ipaalam sa pamilya pero hindi sa point na ididikdik mo sa pagkatao ng kung sino man ang sinasabihan mo ang mga masasakit na katotohanan na 'to. Kasi syempre, bilang tao, may mga pangarap din tayo na isinantabi dahil nga sa mga dahilang ito. Minsan nakakabadtrip kasi yung tipong frustrated ka na tapos eto pa ihahambalos sa pagmumukha mo, aba'y ewan na lang kung hindi mandilim ang mga mata mo.

Ngayon, ang gusto lahat ng mga nakasalamuha ko ay humanap ng trabaho. Kahit hindi na mag-aral basta may perang kinikita oks na. Para hindi na sila masampal ng masasakit na salita, etc. Para may 'maitulong' din daw sila kahit papaano.

Saturday, August 29, 2009

Si Lily, ang Pok-pok

Bata pa lang si Lilia at madami pa siyang hangad sa buhay niya. Sa labimpitong taon niyang pamamalagi sa Cabuyao ay madami na din siyang naging kakilala at kaibigan. Kabilang ang pamayanan nina Lilia sa mga 'depressed areas' ng lugar kaya't sanay sa Lilia sa hirap. Ang tatay niya ay baldado dahil sa isang aksidente sa pinagtatrabahuan nitong pabrika at ang nanay naman niya ay nagtitinda ng kakanin malapit sa pampublikong paaralan. Para tumulong sa magulang sa pagpapaaral ng anim na nakababatang kapatid, naghahanap si Lilia ng trabaho. Iniwan niya ang pag-aaral at lahat ng pangarap sa buhay dahil doon. Sadyang magaling naman si Lilia at may talento kaya't tinanggap siyang call center agent sa kalapit na bayan ng Santa Rosa. Kahit na malaki-laki ang kinikita ni Lilia sa call center, sadyang madami ang pangangailangan ng pamilya niya at ang suweldo niyang pang isang buwan ay nagiging pambayad-utang lang.

Naghanap siya ng isa pang sideline matapos siyang makalipat sa pang-umagang schedule ng call center. Nagpatulong siya sa kababata niyang si Enchong para makahanap ng trabaho sa mga kalapit bayan. Nagtagal din ng isang buwan ang paghahanap ni Lilia ng trabaho. Nawalan na siya ng pag-asa.

Isang araw habang papauwi sa kanila, nakita ni Lilia ang isa pang kababata -- si Mariz. Hindi niya masyadong kasundo iyon at maraming masamang tsismis ang kumakalat sa Baranggay nila tungkol sa pagkatao nito, at kung sinu-sinong lalaking nakaulayaw nito. Tinapunan niya ng tingin ang kababata at nginitian naman siya nito. Huminga ng malalim si Lilia at nilagpasan niya ang kababata at dumerecho sa tahanan nila.

"Pasensya ka na, anak. Pinambayad namin sa renta ang natitirang pera galing sa sweldo mo. Medyo nagiging mapilit si Rosario ngayon, eh." Sambad ng kanyang ina. Napabuntong hininga si Lilia at umupo sa pinakamalapit na upuang nakita niya. Si Rosario ang kapitbahay nila na wala atang ibang alam gawin kundi ang maningil ng utang. Alam nilang mag-anak na hindi nakakatagal ng isang araw ang inutang nila dahil kinabukasan, sisingilin sila ng mapagmataas na babae. Hindi naman sila makapalag dahil sadyang madaming datung si Rosario -- at sila ay nangngailangan nito. "Ayos lang ho iyon, inay. May mapagkukunan pa naman po ako ng pera." Pagsisinungaling niya. Saglit siyang nagpaalam sa magulang at lumabas ng bahay. Hindi niya alam kung saan pupunta at mas lalong hindi niya alam kung saan kukuha ng pera.

"Kamusta, Lilia?" tanong ng isang tinig sa likuran niya. Mga ilang oras na rin ang nakalipas simula ng mapadpad siya sa isang bakanteng lote at tumunganga. Sinulyapan niya kung sino ang nasa likuran niya. Si Mariz. Ngumiti siya ng taimtim at hinintay ang kababatang umupo sa tabi niya. "May problema ka ba?" tanong uli ng kababata.
"Kailan pa ba ako nawalan ng problema, Mariz?" sagot niya. Hindi niya nagawang maitago ang sama ng loob. Ngumiti si Mariz. "Pera ba?" Tumango siya. Naglabas ng pitaka ang kababata at naglabas ng dalawanlibong piso. Lumaki ang mata ni Lilia sa nakita. "Dalawanlibong piso yan, ah." Sabi niya. Ngumiti uli si Mariz. "Alam kong kailangan mo ng pera. Tanggapin mo 'to. Walang interes 'yan." Kinuha niya ang palad ni Lilia at inilagay ang pera. "Wala ka talagang maasahan sa ganitong klase ng buhay, Lilia. Hindi sapat ang maging isang mabuting mamamayan. Hindi masama ang gumawa ng tinatawag nilang imoral kung ang nakasalalay naman dito ay buhay ng mga minamahal mo."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Samahan mo ako sa trabaho ko." Itutuloy...

Friday, August 28, 2009

Musika

Namimiss ko na ang mga tugtugan dati. Yung tipong galing talaga sa puso ang mga naisulat na lyrics at yung may kurot sa puso. Yun mga tipong kantang may social relevance sumasalamin sa kalagayan ng masa. Sa totoo lang, nami-miss ko na ang tugtugan ng Eraserheads, yung dating Rivermaya, at yung banda dati. Kahit na sabihin mong konti lang yung may kurot sa puso pero hindi mo naman masasabing korni yung iba. Gusto ko ding marinig ang mga oks na tinig ng mga indie bands na nostalgic ang tirada nung kanta. Ngayon kasi ang korni ng mga nasa radyo eh. Wala na yung pagiging hardcore ng mga banda natin dito. Parang yung tono na lang ng kanta ang magdadala sa banda. Tapos sisikat dahil dun at kapag pinagsawaan na, wala na.

Sana bumalik yung dating kalidad ng mga kantahan natin dito. Yung tipong may kakantahin tayong galing sa puso natin dahil naiintindihan natin at sasama sa atin hanggang saan man tayo mapadpad.

Paggugubat

Ano ang unang sumsagi sa isip mo pag sinabing forestry? Mga puno at bundok hindi ba? Dahil hindi naman ako masyadong hayok sa science noon, ganun din ang pagkakaalam ko. Tinanong pa nga ako ni College Sec dati eh kung ano ba daw sa tingin ko ang pinag-aaralan sa Kolehiyo ng Paggugubat sabi ko naman "Lahat po ng patungkol sa mga kagubatan." Tumawa naman siya hindi ko alam kung bakit, basta ako sa panahong yon alam kong tama ang sinagot ko. Ngayon, dahil ako ay nasa ikalawang taon na ng pag-aaral ng paggugubat, nalaman kong wala pa pala sa katiting talaga yung nalalaman ko. Nalaman kong meron palang iba-ibang fields of expertise ang forestry tulad ng social forestry and forest governance, agroforestry, forest products and paper science, forest biological sciences, at iba pang hindi ko pa nalalaman. Ayos talaga. Isa ito sa mga dahilan kaya nauumpisahan ko ng mahalin yung kursong kinuha ko.

Isa pa, kaya rin hindi ako nag-shishift kahit na medyo tinatamad ako sa pag-aaral nito ay dahil may gusto akong patunayan. Nakakainis kasi yung mga ibang taong napaka-kitid ng pag-iisip. Porket hindi in-demand ang kursong forestry eh wala na itong kwenta. Grabe talaga kung tumaas ang kilay ng iba kapag sinabi kong forestry ang course. Mas nakakabadtrip pa yung iba na nangungutya na akala mo kung sinong madaming alam. Meron kasing isang pangyayari kung saan sobrang pumutok ang butsi ko at pinangako ko sa sarili ko babaguhin ko na ang pananaw ko sa buhay at aayusin ko na ang sarili ko. May pinuntahan kaming gathering nun kasama ang mama at papa ko. Tapos ako naman nakikihalubilo sa mga medyo ka-edad ko. Nagkwentuhan kami ng taong yun sabi nya Management daw ang kinukuha niyang course. Tapos siyempre tinanong nya din nya ako at sinagot ko naman siya. Ay pootik alam nyo ba kung ano niya? "Forestry? Ano ginagawa nyo dun? Ah siguro kayo yung mga humuhuli ng mga nakawalang hayop sa zoo, noh?" Pootcha dito ako nainis ng sobra. Okay lang sana kung nasa joke time kami eh eh kaso medyo seryosong pag-uusap ng meron atsaka iba ang dating nya.

Meron pang iba na nagsasabi sa akin "O kamusta na ang forestry? Ilang puno na ba ang natatanim nyo? Punta ka dun sa may Olongapo dami pang nakakalbong puno." Itong isang to ay medyo hindi naman ako nainis kasi joke time naman ang nangyari kaso kasi hardcore naman ng concept nya sa forestry...pagtatanim lang ng puno.

Okay so naghihirap nga tayo kaya nagkakaroon ng mga courses na "in-demand." Sana naman hindi tayo mapang-husga sa mga courses na vocational at hindi in-demand (tulad ng forestry at agriculture) dito sa bansa natin. Kasi oo nga, in-demand nga kurso mo sa sobrang pagiging in demand naman, you can't get into a job immediately. Syempre dahil andami mong kalaban. Atsaka hindi purket hindi in-demand eh biro lang ang ginagawang pag-aaral.

Sana bago kayo humusga siguraduhin nyong alam nyo kung ano ang hinuhusgahan nyo at alam nyo ng sinasabi nyo.

Open Forum...

Usong-uso ang open forum sa mga girls. Lalo na sa mga edad na 12 - pataas. Naalala ko nung una kong na-experience ang open forum. Grade five ako nun at malapit na ang Christmas Party. Dahil sa nag-aaral ako sa isang Catholic school, sabi nila dapat mawala na ang hidwaan na namamagitan kanino man kaya feeling goodshot tong teacher namin, pinagopen forum kami. Edi ayun na nga, nag-umpisa na. Nag-iyakan ang mga kaklase kong kasama sa 'in' crowd dahil lumabas na ang sama ng loob nila sa isa't-isa. Ngayon, malapit na sa grupo namin ang maglalabas ng sama ng loob. Nagumpisa kay A***** ang open forum. Sabi niya ako daw ang kinaiinisan niya. Nagsabi siya ng mga ginawa ko. Nagulat ako kasi puro physical ang sinasabi niya -- tinutulak ko daw siya, etc. Eh sa totoo lang hindi ko ginagawa yun. Wala akong ginagawa sa kanila. Sila 'tong nang-aasar sa akin. Ngayon yung mga ka-close niya ako din ang tinuro -- eh wala din naman akong ginagawa sa kanila. Nagtatawanan sila kahit seryoso ang lahat. Ansama ng aura ko non. Pero kaibigan ko naman sila hanggang ngayon.

High school na ako ng muli akong naka-encounter ng open forum. Pero hindi ako involved. Mga third year kasi ang kasama namin sa retreat (dapat ay kaming mga fourth year lang, pero dahil close naman kami sa kanila, okay lang). Kinagabihan ng unang stay namin sa Calauan (kung nasaan ang retreat house), wala kaming magawa ng mga classmates kong babae kaya nagkwentuhan na lang kami at kumain ng mga dala naming baon. Naririnig namin silang nagsasabi ng mga sama ng loob at napatigil kami sa ginagawa namin at nakinig. Nakakatuwa ang kabaliktarang nangyayari kapag nakipag-open forum ang mga tao (lalo na kapag sama ng loob ang topic) dahil imbes na magkaintindihan at magkabati eh mas lalo pang lumalalim ang hidwaan.

Ngayong nasa ikalawang taon na ako sa aking kolehiyo, tinatawanan ko na lang -- kasama ang mga bago kong kaibigan -- ang konsepto ng open forum. Siguro sa mga tunay na magkakaibigan hindi na kailangan nito dahil marunong ang isa't-isang makiramdam sa mga damdamin ng isa't-isa at kapag meron mang bumato ng nakaka-offend na punchline, kaagad namang malilimutan yun. Yan ang napatunayan ko ngayon. :)

Isang Sakay sa Jeepney: Isang Salamin ng Buhay sa Labas ng Bahay


warning: madaming foul words. pasensya na, badtrip lang :D

Nagumpisa ang pagkabadtrip ko nung pagbaba ko sa Crossing Calamba nung papauwi na ako sa Santa Rosa. Dahil nga medyo desperado na ako sa pag-uwi, nagmadali akong nagbayad dun sa aleng nangongolekta. Uupo sana ako dun sa may harapan pero etong si Kuya ay masyadong makasarili. Kesyo susunduin niya daw misis nya. Okay lang naman sa akin nung una sabi kasi ni ale maluwag pa daw at kasyang-kasya ako. Pagkapasok ko sa loob ng jeep, medyo masikip na pero akala ko keri lang kasi medyo parang malaki pa yung uupuan ko. Pagkaupo ko... a, dun na talaga ako nabadtrip. Potek parang .5% na lang ng pwet ko ang nakaupo at parang walang pakialam yung mga katabi na medyo mag-shift ng unti sa mga pwesto nila. Eto pa, may isang kuya na feeling cool at gwapo. Nakabukaka siya ng pagkalaki-laki at nakaipit yung gitara niya sa pagitan ng hita niya. Nakakainis kasi di man lamang siya nakiramdam sa paghihirap ko sa pagkakaupo dun at eto pa..inirapan ko siya para magparamdam ng unti. Ang akala siguro niya ay may gusto ako sa kanya! Kadiri... masyado siyang feeling. Ang sarap niyang kuwelyuhan at sabihing 'Putang ina mo, Kuya. Konting konsiderasyon naman sa pag-upo. Ayusin mo naman buhay mo ha!' May nakatabi din akong dalawang malandi. Isang lalaki at isang babae. Meron kasing konting space sa pagitan ni kuyang feeling pogi at ni kuyang malandi. Aba shet... hindi man lamang umipod yung lecheng yun.

Wala na sanang mas sasama sa gabi ko kaso si Manong na nagmamaneho eh ewan ko ba kung nakainom o naghihingalo na. Putcha, humihinto ba naman sa kalagitnaan ng SLEX sa di malaman laman na dahilan. Tapos, okay lang sana kung mabagal siya magmaneho eh ang problema hindi lang kami ang nasa SLEX. Kalaban namin ang malalaking sasakyan tulad ng bullshet na wheeler na akala mo panginoon kung bumusina at bumuga ng usok.

Meron namang mga pilingerang sosyalin. Dalawang ale yun eh. Grabe kung magdisplay ng selpon. Buti na nga lang di masyado uso holdaper sa Calamba eh. Tapos sila din 'tong umookupa ng napakalaking space. Paano, nakatagilid ba naman kung umupo. Tapos dagdagan pa ng dalwang lolang walang pakialam basta nagtsi-tsismisan lang sila. Punyeta talaga. kwento lang ng kwento hindi na nga naririnig yung nag-aabot ng bayad. Tpos nahulog yung payong nila sa tuhod ni ateng medyo may injury ata. Shet obvious namang masakit yun di man lamang nag-sorry.

Punyeta, isang sakay pa lang to sa jeep pero nasasalamin na nito ang iba't ibang klase ng tao. Maraming tao sa mundo kaya ngayon, medyo alam ko na kung ano ang aasahan ko.

Panimula

Ako ay isang estudyante. 17-years-old pa lang ako at maaring hindi pa ako legal sa ibang bagay pero hindi mo naman maitatago sa akin ang tunay na kalagayan ng mundong ginagalawan ko. Isa akong babae. Tulad ng nakararami, gusto kong umunlad sa buhay at maging magaling saa larangang pipiliin ko. Madami akong kaibigan -- yung iba nasa ibang bansa na at yung iba naman nasa malayong lugar na. Pero, hindi natatapos ang samahan namin na wala akong natututunan mula sa kanila.

Simula ngayon, sisikapin ko ng isulat lahat ng mga napagtanto ko sa buhay ko. At simula ngayon, magiging bukas na ang mga mata at isip ko.