Bata pa lang si Lilia at madami pa siyang hangad sa buhay niya. Sa labimpitong taon niyang pamamalagi sa Cabuyao ay madami na din siyang naging kakilala at kaibigan. Kabilang ang pamayanan nina Lilia sa mga 'depressed areas' ng lugar kaya't sanay sa Lilia sa hirap. Ang tatay niya ay baldado dahil sa isang aksidente sa pinagtatrabahuan nitong pabrika at ang nanay naman niya ay nagtitinda ng kakanin malapit sa pampublikong paaralan. Para tumulong sa magulang sa pagpapaaral ng anim na nakababatang kapatid, naghahanap si Lilia ng trabaho. Iniwan niya ang pag-aaral at lahat ng pangarap sa buhay dahil doon. Sadyang magaling naman si Lilia at may talento kaya't tinanggap siyang call center agent sa kalapit na bayan ng Santa Rosa. Kahit na malaki-laki ang kinikita ni Lilia sa call center, sadyang madami ang pangangailangan ng pamilya niya at ang suweldo niyang pang isang buwan ay nagiging pambayad-utang lang.
Naghanap siya ng isa pang sideline matapos siyang makalipat sa pang-umagang schedule ng call center. Nagpatulong siya sa kababata niyang si Enchong para makahanap ng trabaho sa mga kalapit bayan. Nagtagal din ng isang buwan ang paghahanap ni Lilia ng trabaho. Nawalan na siya ng pag-asa.
Isang araw habang papauwi sa kanila, nakita ni Lilia ang isa pang kababata -- si Mariz. Hindi niya masyadong kasundo iyon at maraming masamang tsismis ang kumakalat sa Baranggay nila tungkol sa pagkatao nito, at kung sinu-sinong lalaking nakaulayaw nito. Tinapunan niya ng tingin ang kababata at nginitian naman siya nito. Huminga ng malalim si Lilia at nilagpasan niya ang kababata at dumerecho sa tahanan nila.
"Pasensya ka na, anak. Pinambayad namin sa renta ang natitirang pera galing sa sweldo mo. Medyo nagiging mapilit si Rosario ngayon, eh." Sambad ng kanyang ina. Napabuntong hininga si Lilia at umupo sa pinakamalapit na upuang nakita niya. Si Rosario ang kapitbahay nila na wala atang ibang alam gawin kundi ang maningil ng utang. Alam nilang mag-anak na hindi nakakatagal ng isang araw ang inutang nila dahil kinabukasan, sisingilin sila ng mapagmataas na babae. Hindi naman sila makapalag dahil sadyang madaming datung si Rosario -- at sila ay nangngailangan nito. "Ayos lang ho iyon, inay. May mapagkukunan pa naman po ako ng pera." Pagsisinungaling niya. Saglit siyang nagpaalam sa magulang at lumabas ng bahay. Hindi niya alam kung saan pupunta at mas lalong hindi niya alam kung saan kukuha ng pera.
"Kamusta, Lilia?" tanong ng isang tinig sa likuran niya. Mga ilang oras na rin ang nakalipas simula ng mapadpad siya sa isang bakanteng lote at tumunganga. Sinulyapan niya kung sino ang nasa likuran niya. Si Mariz. Ngumiti siya ng taimtim at hinintay ang kababatang umupo sa tabi niya. "May problema ka ba?" tanong uli ng kababata.
"Kailan pa ba ako nawalan ng problema, Mariz?" sagot niya. Hindi niya nagawang maitago ang sama ng loob. Ngumiti si Mariz. "Pera ba?" Tumango siya. Naglabas ng pitaka ang kababata at naglabas ng dalawanlibong piso. Lumaki ang mata ni Lilia sa nakita. "Dalawanlibong piso yan, ah." Sabi niya. Ngumiti uli si Mariz. "Alam kong kailangan mo ng pera. Tanggapin mo 'to. Walang interes 'yan." Kinuha niya ang palad ni Lilia at inilagay ang pera. "Wala ka talagang maasahan sa ganitong klase ng buhay, Lilia. Hindi sapat ang maging isang mabuting mamamayan. Hindi masama ang gumawa ng tinatawag nilang imoral kung ang nakasalalay naman dito ay buhay ng mga minamahal mo."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Samahan mo ako sa trabaho ko." Itutuloy...
Saturday, August 29, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment